Kasabay ng pagdiriwang ng Typhoon and Flood Awareness Week, inilunsad ng DOST-PAGASA ang mga pinahusay na inobasyon na layong pagbutihin ang paghahatid ng ‘weather-related information’ sa publiko.
Kasama rito ang bagong website ng PAGASA Regional Services Divisions, PAGASA Nationwide Met-Hydro Observing Network (PANaHON), at pagsasama ng “Chance of Rain” forecast para sa mga ilang pangunahing lungsod sa bansa.
Sa bagong website ng PAGASA Regional Services Division, tampok ang provincial-level weather forecast sa susunod na limang araw, Thunderstorm Advisories, Heavy Rainfall Warnings, at Special Weather Forecasts.
May interactive map naman ang PANaHON website kung saan maaaring ma-access nang real-time ang mga weather data gaya ng dami ng kidlat sa isang lugar mula sa synoptic stations, automatic weather stations (AWS), meteorological satellite, at radar.
Sa pakikipagtulungan naman sa JICA, binuo ng PAGASA ang “Chance of Rain” forecast kung saan makikita ng publiko kung ilang porsyento (%) ang posibilidad na uulanin ang isang lugar.
Sa tulong nito, umaasa ang PAGASA na mas magabayan ang publiko sa kanilang desisyon sa pang-araw-araw na mga gawain at mapaghandaan kung mayroon mang pag-ulan.
Makatutulong din aniya ito para agad makapagplano ang mga local disaster risk reduction and management offices at mabawasan ang posibleng epekto sa tuwing may masamang panahon. | ulat ni Merry Ann Bastasa