Hinikayat ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang international community na magkaisa sa pagkondena sa marahas na aksyon ng China at suportahan ang panawagan ng Pilipinas para sa hustisya at pananagutan.
Ginawa ng senador ang pahayag na ito kasunod ng panibagong aksyon ng China sa Ayungin Shoal kung saan binangga ng China Coast Guard ang sasakyang pandagat ng Pilipinas na nasa resupply mission para sa BRP Sierra Madre.
Giit ni Estrada, nakakagalit at hindi katanggap-tanggap ang aksyon na ito ng CCG.
Maituturing na aniya itong direktang paglabag sa soberanya ng Pilipinas at sa ating karapatan sa ilalim ng international law, partikular na sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Binigyang diin ng mambabatas na patuloy na naghahanap ng mapayapa at diplomatikong paraan ang Pilipinas para maresolba ang maritime disputes samantalang ang CCG ay patuloy na gumagawa ng mga agresibong aksyon na nakakapagpataas lang ng tensyon.
Kaugnay nito, ipinanawagan ni Estrada sa China na itigil na ang mga mapangahas na aksyon at respetuhin ang sovereign rights ng Pilipinas.
Gagawin aniya ng pamahalaan ang lahat ng nararapat na hakbang para maprotektahan ang ating mga mamamayan at maitaguyod ang national interest ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion