Pumalo na sa mahigit 23 milyon ang kabuuang bilang ng mga pasaherong naserbisyuhan ng EDSA Busway simula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan.
Ito ay ayon sa datos na inilabas ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT).
Ayon sa DOTr-SAICT, may average na 317 bus units ang bumibiyahe sa EDSA Busway kada araw, habang nasa 450,000 ang average na mga pasahero sumasakay dito kada araw.
Nitong Mayo nasa mahigit anim na milyon ang kabuuang bilang ng mga pasaherong naserbisyuhan ng EDSA Busway.
Ang programa ay nakatulong din upang mabawasan ang bilang ng mga pribadong sasakyan sa EDSA, na isa sa mga pangunahing sanhi ng matinding trapiko sa Metro Manila.
Patuloy naman ang DOTr sa pagpapabuti ng serbisyo ng EDSA Busway upang mas maraming Pilipino ang makinabang dito.| ulat ni Diane Lear