Isinagawa ngayong araw ang 2nd Quarter Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) meeting upang talakayin ang mga plano at kahandaan ng Metro Manila sa iba’t ibang kalamidad, lalo na ngayong tag-ulan.
Pinangunahan nina MMDA Deputy Chairman Usec. Frisco San Juan Jr., MMDRRMC Senior Vice Chairperson George Keyser, at Metropolitan Public Safety Office Head Atty. Crisanto Saruca Jr. ang pagpupulong kasama ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang mga hakbang upang maiwasan ang pagbaha sa Metro Manila, pagbigat ng trapiko dulot ng pag-ulan, at pagkalat ng mga water borne disease.
Tinalakay din ang gaganaping Metro Manila Shake Drill sa Jluy 31, na layong pataasin ang kamalayan at kaalaman ng publiko sa mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Ayon kay MMDA Usec. San Juan Jr., mahalaga ang pagpupulong na ito upang masiguro ang kahandaan ng bawat ahensiya at lokal na pamahalaan sa pagharap sa mga hamong dala ng tag-ulan.
Patuloy naman ang MMDA at MMDRRMC sa pagtutulungan upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan ng Metro Manila sa panahon ng kalamidad. | ulat ni Diane Lear