Iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tatlong barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ang ipinuwesto ng China sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Batay ito sa datos ng Philippine Navy mula June 11 hanggang June 17, panahon kung kailan idineklara hanggang sa ipatupad ng China ang anila’y “Anti-Tresspasing rule” sa mga dayuhang barkong papasok sa naturang karagatan.
Sa ilalim ng nasabing hakbang ng China, nagbanta ito na kanilang aarestuhin ang anumang sasakyang pandagat na papasok sa kanilang inaangking teritoryo nang walang pahintulot mula sa kanila.
Ang Scarborough/Panatag Shoal o Bajo de Masinloc ay nagsisilbing common fishing ground para sa mga mangingisdang Pilipino dahil nasa 124 nautical miles ito mula sa Masinloc, Zambales at pasok sa 200 nautical miles EEZ alinsunod sa 1982 UNLCOS.
Lumabas din sa datos ng Philippine Navy na bagaman nadagdagan ang mga barko ng China sa Bajo de Masinloc, bumaba naman ang bilang ng mga ito sa kabuuan na nasa 121 mula sa dating 146. | ulat ni Jaymark Dagala