Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pagpupulungan pang muli ng Gabinete ang panukalang pagbabawas ng taripa sa imported na bigas.
Ito’y matapos ipahayag ng agri stakeholders ang kanilang agam-agam hinggil sa posibleng epekto ng mas malaking tapyas sa taripa.
Ayon sa kalihim, kinikilala nito ang mga pangamba ng industriya pati na ang kanilang mungkahi na magkaroon ng ‘periodic review’ imbes na isang nakapirming pagbaba hanggang 2028.
“In our discussions with industry representatives, the suggestions ranged from reviewing the tariff every six months to one year, or even every four months,” paliwanag ng kalihim.
Ilan pa aniya sa concerns ng mga stakeholder ang posibilidad na hindi naman magreresulta sa mas mababang presyo ng bigas sa merkado ang pagtatapyas sa taripa at pati na ang pangambang makaapekto ito sa pondong nakalaan para sa mga magsasaka.
Dahil dito, naniniwala si Sec. Tiu Laurel na kailangan ng isang balanseng approach sa usaping ito na isinasaalang-alang hindi lang ang kapakanan ng mga mamimili kundi ang pag-unlad ng agri sector. | ulat ni Merry Ann Bastasa