Kinumpirma ng Rizal Provincial Police Office na isinailalim na nila sa “restrictive custody” ang isang patrolman na nag-viral sa social media matapos masangkot sa road-rage o away trapiko sa Antipolo City.
Ayon kay Rizal Provincial Police Director, PCol. Felipe Maraggun, naka-assign sa Morong Municipal Police Station ang hindi pinangalanang pulis na nag-viral pa sa social media.
Batay aniya sa ulat ng Chief of Police ng Morong, nagalit ang naturang pulis sa ginawa ng truck driver dahil sa ginawang pag-cut nito sa kanya sa bahagi ng zig-zag road na muntik na niyang ikapahamak.
Kuha rin sa dashcam ng truck driver na hindi naka-uniporme ang nakagitgitang pulis at naglabas pa ito ng kaniyang baril.
Una nang ipinarating ni Rizal Governor Nina Ynares sa Rizal Police ang insidente at pinatitiyak nito ang agarang pagkastigo sa naturang pulis.
Na-dis-armahan na ang sangkot na pulis habang iniimbestigahan na rin ang insidente para sa paghahain ng kasong administratibo. | ulat ni Jaymark Dagala