Tinatarget ng Department of Social Welfare and Development na makapag-deploy ng mga mobile kitchen sa lahat ng rehiyon sa bansa para makatulong sa response efforts ng Kagawaran tuwing may kalamidad.
Sa DSWD Forum, ibinahagi ni DRMG Usec. Diana Rose Cajipe na bukod sa mga naka-deploy nang Mobile Command Centers ay inihahanda na rin nila ang 15 mobile kitchen na ide-deploy sa ikatlong quarter ng taon.
Pinondohan ito ng ₱75 milyon ng Kagawaran kung saan ang bawat mobile kitchen ay kumpleto na sa mga kagamitan gaya ng sink, oven, refrigerator, stove at iba pang cooking utensils.
Layon nitong makapaghain agad ng hot meals, sa mga inililikas na indibidwal at pamilyang apektado ng anumang kalamidad.
Bukod naman sa mobile kitchen, ilulunsad din ng DSWD ang advanced data gathering app o AGAP para sa mas mabilis na pag-uulat ng disaster incident sa isang lugar.
Sa tulong nito, maaaring makapag-report agad ng real-time ang quick response team ng DSWD kung mayroon mang nangyayaring insidente sa kanilang lugar at nang agad makapagpadala ng tulong ang Kagawaran.
Target din na mailunsad ang naturang app sa taong ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa