Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat itong stockpile para agad makatugon sa inaasahang epekto ng La Niña.
Sa DSWD Forum, iniulat ni DSWD Special Assistant to the Secretary
(SAS) for DRMG at concurrent Director of National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB) Leo Quintilla na may nakahanda nang nasa 1.54 milyong family food packs ang DSWD kung saan karamihan ay nakapreposisyon na sa iba’t ibang field office.
Pinakamalaki ang Bicol region na may hawak nang 154,000 family food packs, at CARAGA na may halos 144,000 family food packs.
Nagpadala na rin aniya ang DSWD ng karagdagan pang food packs sa Region 12 at ongoing din ang delivery sa mga field office sa Northern Luzon.
Maging ang produksyon ng food packs ay pinabibilis na rin.
Sa ngayon, nakatutok na aniya ang DSWD sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng malalakas na pag-ulan kabilang ang mga lalawigan sa silangang baybayin ng bansa, at Visayas at Mindanao.
Nananatili namang nakahanda ang nasa ₱234 milyong Quick Response Fund nito para sa mga maaapektuhan ng La Niña. | ulat ni Merry Ann Bastasa