Iprinesenta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga programa ng pamahalaan para sa mga residente ng Agusan at Surigao del Sur.
Sa personal na pagbisita ng Pangulo sa dalawang nabanggit na lalawigan ngayong araw (June 20), binanggit ng Pangulo ang Cabadbaran-Puting Bato-Lanuza road project na halos 45% na aniyang nagagawa gayundin ang East-West lateral road kasama ang dalawang tulay na aniya’y 60% na ang nagagawa.
Ang Tandag Airport dagdag ng Pangulo ay inaayos na rin para sa mas mabilis na biyahe patungo sa ibang bahagi ng bansa.
May halos ₱9 bilyong piso na rin aniyang pondo ang DSWD para sa patuloy na tulong pang-edukasyon at kalusugan ng mga residente sa Caraga region.
May naka-budget din aniyang higit isa’t kalahating bilyong piso para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at halos kalahating bilyong piso naman para sa pagsasaayos ng mga silid-aralan.
Bukod pa dito ang 170,000 na mga iskolar na makikinabang sa programa ng CHED habang nakalatag na rin ang 100 health facility projects na pinondohan para pangalagaan ang kalusugan ng mga residente. | ulat ni Alvin Baltazar