Ihahanda ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang mga tauhan at bibigyan ng angkop na kagamitan sa mga susunod na RORE mission.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Phil. Sea Commodore Roy Vincent Trinidad sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Camp Aguinaldo sa telepono.
Ayon kay Trinidad, may “mismatch” na nangyari sa huling insidente sa Ayungin Shoal kung saan sumunod sa batas at rules of engagement ang mga tropang Pilipino sa harap ng “barbaric” na pamimirata na ginawa ng China Coast Guard.
Sinabi ni Trinidad na hindi masisiguro ng AFP na hindi na mauuulit ang insidente, pero magkakaroon aniya ng pagbabago sa mga susunod na RORE mission.
Hindi naman nagbigay ng direktang tugon ang opisyal sa tanong ng mga mamamahayag kung gagamit na ng Arnis ang mga sundalo para ipagtanggol ang kanilang sarili.
Una nang sinabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., na “bare hands” lang ang ginamit ng mga tropa kontra sa mas malaking bilang ng tauhan ng China Coast Guard na armado ng “bladed weapons” sa huling insidente. | ulat ni Leo Sarne