Dininig na ngayong araw ang panig ng iba’t ibang grupo ng manggagawa at employer sa itinutulak na panukalang minimum wage hike sa Metro Manila.
Umarangkada na kasi ang public hearing ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa mga petisyong inihain para sa umento sa sahod.
Kabilang dito ang ₱597 na dagdag sa minimum wage ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) habang ₱750 naman ang hiniling ng dalawa pang hanay ng mga manggagawa.
Sa ginanap na public consultation, ipinunto ng labor groups ang pangangailangan na mataas na ang sahod dahil sa mahal na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Umapela naman ang Trade Union Congress of the Philippines ng suporta sa panukalang ₱150 o mataas pa na dagdag sahod, hindi lang sa NCR, kundi sa buong bansa.
Sa panig naman ng employers, sinabi ng Employers Confederation of the Philippines na kinikilala nila ang kalbaryo ng mga manggagawa sa usapin ng sahod.
Sa rekomendasyon nito, ₱24 ang dagdag sahod sa mga manggagawa sa non-agricultural sector, at ₱23 sa agricultural workers sa NCR.
Matapos naman ang public hearing, muli itong pagpupulungan ng wage board bago ang desisyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa