Naghain ng resolusyon (SRN 1053) si Senador Sherwin Gatchalian para maimbestigahan sa Senado ang pang-aabuso sa late registration of birth para makakuha ng birth certificate ang ilang mga dayuhan sa bansa.
Ipinunto ng senador na sa pamamagitan ng late registration of birth ay nakakakuha ng birth certificate ang mga dayuhan, saka kukuha ng Philippine passport at sa pamamagitan nito ay madedeklara na nilang sila ay Pilipino.
Kabilang naman sa reporma na nais isulong ng senador ang personal na pagtestigo ng midwife, kumadrona, manghihilot na nagpa-anak sa indibidwal na maghahain ng late registration.
O kaya dapat aniya magbigay ng deed of registration ang ospital kung saan ipinanganak ang aplikante.
Kasabay nito ay nanawagan si Gatchalian sa Philippine Statistics Authority (PSA) na laliman pa ang imbestigasyon sa mga sindikato sa loob ng ng mga civil registrar na nagpapahintulot na maabuso ang kanilang mga proseso at makapag-isyu ng mga pekeng birth certificate. | ulat ni Nimfa Asuncion