Umapela si Senador Sherwin Gatchalian sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR na tiyaking hindi matutulad sa e-sabong ang bagong online gambling na binigyan ng lisensya.
Base sa datos, nasa 40 online gambling operator na target ang mga Pilipino ang binigyan ng lisensya ng PAGCOR.
Bagamat sinabi ni Gatchalian na aaralin pa niya ang proseso ng online gambling ay nanawagan pa rin siya sa PAGCOR na tiyaking hindi ito magagaya sa e-sabong na kahit elementary students ay nakakataya.
Pinunto ng senador na sa sugal kasi gaya ng e-sabong ay madaling nakakataya ang mga bata gamit ang mga online banking apps gaya ng Gcash kaya marami ring kabataan ang nalulong dito.
Kaya naman dapat aniyang protektahan ang mga kabataan sa anumang uri ng sugal.
Binigyang diin ni Gatchalian na bukod sa mga magulang ay kailangan ding tiyakin ng gobyerno na mabibigyang proteksyon ang mga bata kontra sa mga mapang-abusong mga sistema. | ulat ni Nimfa Asuncion