Kinumpirma ni Migrant Workers Hans Leo Cacdac na tuluyan nang lumubog ang bulk carrier na MV Tutor sa Red Sea ilang araw matapos ang nangyaring drone at missile attack ng Houthi rebels sa Red Sea.
Sa isang pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ni Secretary Cacdac huling nakita ang barko noong June 17 sa baybayin ng Eritrea sa Eastern Africa.
Ayon kay Cacdac, dahil sa paglubog ng MV Tutor mas naging mahirap ngayon ang paghahanap sa nawawalang Filipino seafarer.
Nauna rito ay nakauwi naman na sa Pilipinas noong Lunes ang 21 Filipino seafarer na sakay ng nasabing barko at nakauwi na rin sa kani-kanilang mga probinsya.
Sa ngayon, naghihintay pa ang DMW ng technical report sa kung paano lumubog ang barko at kung kailan masisimulan ang search at salvaging operation na dapat ay isinagawa noong June 18.
Tiniyak naman ng DMW na patuloy ang kanilang suporta at pakikipag-ugnayan sa pamilya ng nawawalang seafarer alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Diane Lear