Ipinunto ni Senador Sherwin Gatchalian na bukod sa pangalan at nationality, binago rin ni suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo ang kanyang edad.
Ito ayon kay Gatchalian ay kung ikokonsidera ang isinapubliko niyang dokumento mula sa Board of Investments at Bureau of Immigration tungkol sa isang Guo Hua Ping, na pinaniniwalaan ng senador na totoong pagkatao ni Mayor Guo.
Base sa dokumento ni Guo Hua Ping, lumalabas na ang birthday nito ay August 31, 1990 samantalang ang birthdate ni Mayor Alice sa kanyang PSA birth certificate ay July 12, 1986.
Ibig sabihin aniya nito ay pinatanda ng tatlong taon ang alkalde.
Nang matanong kung ano ang posibleng dahilan kung bakit kailangan itong gawin, iinaliwanag ni Gatchalian na noong inilabas ang late registration of birth ng alkalde noong 2005 ay lalabas na 19 years na si Mayor Alice pero kung tunay na siya si Guo Hua Ping ay 17 years old pa lang siya ng panahon na iyon.
Binigyang diin ng senador na ginawa ito para lumabas na nasa legal na edad na siya para magmay-ari ng share sa kanilang kumpanya at makabili at magmay-ari ng lupa.
“So kung ikaw ay Pinoy at nagamit mo yung late registration para maging Pinoy, pwede ka bumili ng lupa. Kung pwede ka na bumili ng lupa, pwede ka na magtayo ng POGO hub, pwede ka na magtayo ng POGO facilities at pwede na pumasok sa iyo ang pera. Ibig sabihin dahil Pinoy ka pwede na i-remit sa iyo ang pera at ikaw na ang magpapatayo, ikaw na bibili ng lupa. So importante itong anggulo na ito kasi nga ang nakikita kong parang direksyon, si Alice Guo ginawang Pilipino para makabili ng lupa, para makatanggap ng pera para makapagpatayo ng POGO so that’s the connection that I am looking at,” ani Gatchalian. | ulat ni Nimfa Asuncion