Aarangkada na sa pamamagitan ng groundbreaking na isinagawa ngayong umaga na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang konstruksyon sa CAVITEX-CALAX Link (CCLink) Segment 4.
Ang CCLink ay tinatayang may haba na 1.3 kilometers na isang dual lane expressway na magdurugtong ng mga biyahe mula sa Kawit Toll Plaza ng CAVITEX patungo sa CALAX Kawit Interchange.
Ibig sabihin pagdurugtungin nito ang 21.7kms. operational na segment ng CAVITEX at ang 45 kilometrong CALAX na bumabaybay ng mga lalawigan ng Cavite at Laguna.
Kapag natapos pagsapit ng August 2025, papakinabangan ang CCLink ng nasa 22,000 motorista kada araw.
Sa pagbubukas din nito, magiging isang minuto na lang ang biyahe na manggagaling sa CAVITEX Kawit Segment patungong Kalayaan Road sa CALAX at ang biyahe mula Roxas Blvd. patungong Mamplasan sa Biñan, Laguna sa ilalim lamang ng isang oras na seserbisyuhan ang nasa 300,000 motorista.
Tinatayang nasa P2.2 bilyon ang halaga para sa kontruksyon ng nasabing CCLink na pinangungunahan ng Cavitex Infrastructure Corporation (CIC) isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), na nangangasiwa sa CCLink, kasama pa ang ibang toll sa bansa kabilang itong CALAX, CAVITEX, North Luzon Expressway (NLEX), NLEX Connector Road, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), ang Cebu Cordova Link Expressway (CCLEX) sa lalawigan ng Cebu. | ulat ni EJ Lazaro