Hindi na tuluyan pang nakapasok ng bansa ang dalawang Amerikanong sex offenders matapos silang maharang ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa mga paliparan sa Maynila at Cebu.
Kinilala ang mga nasabing sex offenders na sina Danny Albera Rodrigues, 52 taong gulang at Kenneth Allen Roedell, 72 taong gulang, kapwa Amerikano at kapwa hindi pinapasok sa bansa dahil sa mga kaso ng sexual abuse sa mga menor de edad.
Ayon sa Immigration, kapwa nahatulan sa Estados Unidos ang dalawang lalaki resulta upang ilagay ang mga pangalan nito sa immigration blacklist ng Pilipinas upang hindi na makapasok pa muli ng bansa.
Taong 2003 nahatulan si Rodrigues dahil sa sexual attack nito sa isang bata habang 2004 naman ay convicted na rin itong si Roedell dahil naman sa pamomolestiya ng isa ring menor de edad.
Iniuugnay naman ni BI Commissioner Norman Tansingco ang koperasyon ng mga awtoridad ng Estados Unidos para sa pagkaharang sa dalawang banyaga.
Alinsunod din ito, ayon kay Tansingco, sa kanilang kampanyang #Shieldkids na nakatuon sa paglayo ng mga sexual predator na targetin ang mga batang Pilipino. | ulat ni EJ Lazaro