Matagumpay na inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Camarines Sur at ng Philippine National Police (PNP), ang Agraryo Merkado sa Kampo sa Camarines Sur Provincial Police Office (CSPPO) sa Naga City.
Ayon sa DAR, magbibigay-daan ito sa agrarian cooperatives na direktang makapagbenta ng kanilang mga produkto sa mahigit limampung uniformed personnel tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan.
Ang inisyatiba ay alinsunod sa agenda ni Pangulong Ferdinand R Marcos, Jr. na Food for All, para tiyakin ang food security sa buong bansa.
Ipinangako naman ni Police Lieutenant Colonel Nicel Compañero, Chief of the Provincial Community Affairs and Development Unit, ang buong suporta sa Agraryo Merkado sa Kampo.
Ang DAR-PNP partnership ay kumakatawan sa pagsasanib ng kanilang mga mandato upang tugunan ang mga insurhensiya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa. | ulat ni Rey Ferrer