Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na ‘controlled’ at ‘contained’ na ang sakit na Q-Fever sa mga kambing.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, wala nang dapat ipag-alala at walang dapat ikaalarma ang publiko.
Nagpatupad na ang DA ng iba’t ibang paraan kabilang na ang depopulation ng mga kambing sa quarantine facility at pinagdalhan nito sa bansa.
Bukod pa dito ang isinagawang contact tracing at temporary ban ng mga kambing na nagmula sa Estados Unidos.
Sabi pa ni De Mesa, maaari namang kumain ng karne ng kambing at maging ang iba pang hayop basta’t maluto ito ng maayos.
Pero dapat iwasan muna ang mga kilawin at kinilaw o mga hilaw na karne.
Ayon sa DA, mula nang matuklasan ang Q-Fever sa mga inangkat na kambing ay agad na dinala ito sa breeding station sa Sta. Cruz, Marinduque at kinatay. | ulat ni Rey Ferrer