Kapwa sinuri nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang progreso ng Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) Project sa Maynila ngayong araw, na nagsimulang ilunsad ng pamahalaan Enero lamang ngayong taon.
Sa isinagawang inspeksyon, binisita ng First Couple ang Phase 1C ng PBBM Project, na nag-uugnay sa showcase area sa likod ng Manila Central Post Office patungong Intramuros.
Tampok sa nasabing phase ng proyekto ang bagong commercial structure, na inaasahang magpapalakas sa lokal na negosyo at magbibigay ng bagong oportunidad pangkabuhayan sa lugar.
May ilalaan ding bike lane at daanan para sa pedestrian sa proyekto na pagpapabuti ng connectivity at accessibility sa area.
Sa isang pahayag pinuri ni Sec. Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mabilis na development, gayundin ang aktibong pakikilahok ng First Lady at ang pagtutulungan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor.
Nakaayon ang nasabing proyekto sa Executive Order No. 35, na naglalayong ibalik ang makasaysayang ganda ng ilog at isulong ang water-based transport sa pamamagitan ng Pasig Ferry System.
Inaasahan din sa inisyatibang ito ay makakatulong din sa pagluwag ng trapiko sa Metro Manila.| ulat ni EJ Lazaro