Personal na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pinakabahong bahagi ng Pasig River Urban Development Project o kilala rin bilang “Pasig Bigyang Buhay Muli” o PBBM project na isang hakbang ng pamahalaan para sa urban development sa Maynila at muling pagbuhay ng Pasig River.
Sa mensahe ni Pangulong Marcos sa inagurasyon ng Phase 1C kahapon, binanggit nito ang kahalagahan ng proyekto na naglalayong buhayin muli ang Ilog Pasig at gawing kahalintulad ng mga tanyag na ilog sa mundo habang pinapanatili ang natatanging kasaysayan at pamana ng ilog.
“After decades of neglect, let us witness the revitalization of our beloved Pasig River. A river that will look and feel like the famous waterways across the world, and that we see the Seine in Paris, the [River] Thames in London, the Chao Phraya in Bangkok. But Pasig River, unlike any other river, for it has its own stories, its own lessons, and its heritage to tell,” bahagi ng mensahe ng Pangulong Marcos.
Tampok sa bagong bahagi ng esplanade ang isang istruktura na may roof deck na may mga lakaran at bike lane na nilalayong magpapabuti sa turismo at economic activity sa lugar habang pino-promote ang mga sustainable practice.
Simula nang ilunsad ang unang bahagi ng proyekto noong Enero, tuloy-tuloy ang mga naging progreso nito, kung saan wala umanong ginastos na pera ang pamahalaan, ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Acuzar, bagkus aniya dahil ito sa pakikipagtulungan sa gobyerno ng pribadong sektor.
Asahan naman daw, ayon sa Pangulo, ang buong suporta nito at ng First Lady hanggang sa pagtatapos ng proyekto na tinatayang matatapos sa susunod na tatlong taon kung saan sasakop ito sa 25 kilometrong bahagi ng Ilog Pasig. | ulat ni EJ Lazaro
📸: Office of the President