Tiwala si House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan na mas bababa na ang bilang ng mga nagbubuntis at sanggol na mamamatay dahil na rin sa pagpapalawig ng ayuda ng 4Ps sa mga buntis at nagpapasuso na ina.
Ayon kay Libanan malayo ang mararating ng dagdag na tulong na ito sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga ina at kanilang mga anak.
Tinukoy nito na kada araw, anim hanggang pitong nanay na pawang mula sa mahihirap na pamilya ang nasasawi dahil sa komplikasyon sa pagbubuntis habang 14 naman sa kada 1,000 live births ang namamatay dahil sa premature birth complication, congenital anomalies, at impeksyon.
Kasabay nito pinatitiyak ni Libanan sa Department of Budget and Management (DBM) na isama ang dagdag na cash grant sa 2025 National Budget.
Paraan din kasi aniya ito upang makamit ng Pilipinas ang 2030 Global Social Development Goals ng United Nations (UN) na maibaba ang global maternal mortality rate na mas mababa sa 70 kada 100,000 live births pati ang newborn mortality rate na mas mababa sa 12 kada 1,000 live birth. | ulat ni Kathleen Jean Forbes