Inalis na ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa kanilang partido si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa liham na ibinahagi ni NPC Chairperson at dating Senador Vicente Sotto III na may petsang June 22, 2024, pormal na ibinabang alisin na si Guo sa mga miyembro ng NPC.
Ito ay bilang tugon sa petisyon na isinumite ni Tarlac Governor Susan Yap sa pamunuan ng NPC noong June 17.
Base sa tugon ni Sotto, hindi kukunsintehin ng NPC ang anumang gawaing labag sa batas o anumang maling aksyon ng sinuman sa kanilang miyembro na maglalagay sa alanganin sa prinsipyo ng kanilang partido.
Pinaliwanag rin ni Sotto na ang desisyong alisin sa NPC si Guo ay base sa konsultasyon sa mga lider at miyembro ng partido at maging sa bigat ng mga kaso at imbestigasyon na isinasagawa ngayon laban sa suspended mayor.
Suportado naman ni Senador Sherwin Gatchalian, miyembro ng NPC Advisory Council, ang desisyon na ito ng kanilang partido.
Sa isang pahayag, iginiit ni Gatchalian na ang panloloko ni Guo tungkol sa kanyang totoong pagkatao at ang kanyang kaugnayan sa POGO operations ay labag sa core values ng NPC.
Aniya magiging mahirap para sa mga miyembro ng NPC na mamuno ng may integridad kung hindi nila mismo malilinis ang kanilang hanay. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion