Pinawi ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., ang agam agam ng mga grupo ng magsasaka sa ipatutupad na tapyas taripa sa imported na bigas at iba pang piling produkto.
Kasunod na rin ito ng pagiisyu ng Malacanan ng Executive Order (EO) No. 62 na magbababa sa 15% ng taripa sa mga imported na bigas tulad ng brown rice, semi-milled o wholly milled rice, glutinous rice, basmati rice, at iba pang rice variety mula sa 35%.
Ayon kay Agri Sec. Tiu-Laurel, hindi maituturing na ‘anti-farmer’ ang naturang tapyas taripa dahil nakatuon ang pamahalaan na mapunan ang anumang mawawala sa RCEF fund.
Aniya, patuloy na susuportahan ng Administrasyong Marcos ang mga kagamitan at pangangailangan ng mga magsasaka.
Katunayan, may plano aniya ang DA na dagdagan pa ang suporta sa mechanization at pati sa pinamamahagi nitong fertilizer.
Maging ang NFA ay patuloy rin aniyang bibili sa mga magsasaka sa presyong hindi sila malulugi.
Binigyang diin naman ng kalihim na isa sa hangad ng tapyas taripa ang maibaba ang presyo ng bigas sa merkdo para matulungan ang mga mahihirap na pilipino. | ulat ni Merry Ann Bastasa