Irerekomenda ni Senador Sherwin Gatchalian sa DILG na masuspinde rin si Porac Pampanga Mayor Jaime Capil dahil sa natuklasang POGO hub sa kanyang nasasakupang lugar.
Sa ginawang pag-iikot ni Gatchalian ngayong araw sa compound ng Lucky South 99 kasama ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), iginiit ng senador na malaki ang pagkukulang ng lokal na pamahalaan kaya nagpahintulutan ang ilegal operasyon ng POGO hub na ito.
Ipinunto ng senador na dapat itinuring nang red flag ng LGU ang hindi pagpapapasok sa kanila sa compund ng POGO hub para makapag-inspeksyon.
Dagdag pa aniyang, sa Office of the Mayor nanggagaling ang business at building permits.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap na idahilan na hindi nila alam ang operasyon ng malaking POGO hub na ito.
Natuklasan rin ng mga awtoridad na nasa P4,000 lang ang amelyar na binabayaran ng Lucky South 99 para sa sampung ektaryang lupa ng kanilang POGO.
Isa rin aniyang lapse ang sinasabing hindi daw operational ang POGO hub samantalang nasa P45 million ang bill ng kuryente nito para lang sa buwan ng Mayo.
Bukod sa LGU, iginiit rin ni Gatchalian na hindi maikakailang malaki rin ang pananagutan ng PAGCOR sa naging operasyon ng POGO na ito sa Pampanga. | ulat ni Nimfa Asuncion