Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), ang mga lokal na pamahalaan ng Malabon at Navotas na magsagawa ng assessment sa nasirang navigational gate ng Malabon-Navotas River noong nakaraang linggo.
Sa ginanap na pulong ngayong araw, napagpasyahan na iaangat ang navigational gate gamit ang crane upang masuri ang pinsala at matukoy ang kinakailangang pagkukumpuni.
Upang hindi maantala ang operasyon ng mga barko, magpupulong ang Metro Ship Builders at Ship Repairers Association para pag-usapan ang paglabas ng mga barko sa shipyard sakaling hindi maibaba sa open position ang gate habang isinasagawa ang pagsasaayos.
Magkakaroon din ng hiwalay pagpupulong ang Navotas LGU at mga fishing boat operator para maabisuhan sila tungkol sa mga gagawing hakbang sa navigational gate.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, magtatakda sila ng protocol sa paglabas-pasok ng mga barko at bangka sa ilog upang maiwasan ang pag-ulit ng insidente.
Posible ring mapanagot ang may-ari ng bangka at tugboat na naging sanhi ng pagkasira ng gate.
Samantala, patuloy na gumagawa ng paraan ang mga lokal na pamahalaan ng Navotas at Malabon upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa kanilang mga nasasakupan.| ulat ni Diane Lear