Pinawi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pangamba ng ilang sektor sa desisyon ng gobyerno na babaan ang taripa sa imported farm products partikular ang bigas.
Sinisiguro ng kalihim na handa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. na maglaan ng pondo para suportahan ang agricultural modernization.
Noong ilabas ni Pangulong Marcos ang Executive Order 62, na nagpababa sa taripa sa imported rice, tinutulan ito ng ilang grupo sa sektor ng agrikultura.
Nilinaw ni Tiu Laurel, na hindi anti-farmers ang Presidential Order dahil nakatuon ito para punan ng gobyerno ang anumang kakulangan sa pagpopondo sa RCEF.
Nakahanda rin aniya ang DA na dagdagan ang suporta para sa mga magsasaka tulad ng pagbibigay ng farm equipment at fertilizers.
Magpapatuloy din sa pagbili ng bigas ang National Food Authority mula sa local farmers sa patas na presyo para manatiling matatag ang kanilang kita. | ulat ni Rey Ferrer