Sasagutin ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapagamot at pagbibigay ng tulong pinansyal sa pulis na sugatan sa pakikipagbarilan sa riding in tandem sa Taguig noong Linggo ng gabi.
Ito ang tiniyak ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, kasabay ng pagsabi na makakatanggap din si Patrolman John Austria ng “Medalya ng sugatang Magiting” mula kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil.
Kagabi sana bibibisitahin ni General Marbil sa Ospital ng Makati si Pat. Austria, pero hindi ito natuloy dahil kinailangang ilipat sa St. Luke’s Hospital ang sugatang pulis para sa operasyon, base sa abiso ng Southern Police District.
Base sa salaysay ni Pat. Austria, nagpapatrolya siya bandang 11:30 noong linggo ng gabi kasama si Pol. Chief Master Sergeant Bobby Asuncion sa bahagi ng Amapola Street, Barangay Pembo, Taguig nang sitahin ang riding in tandem na kahina-hinala ang kilos.
Nagkaroon ng habulan, at nakorner ang mga suspek sa Lopez Jaena Street, Barangay Rizal kung saan nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek at tinamaan sa hita si Austria.
Nakaganti ng putok si Sgt. Asuncion, pero nakatakas ang dalawang suspek na kasalukuyang pinaghahanap. | ulat ni Leo Sarne