Walang magawa ang ilang tsuper ng Jeepney sa Marikina City kung hindi ipagpatuloy lamang ang pagbabanat ng buto sa harap na rin ng panibagong taas presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga tsuper na nakapanayam ng Radyo Pilipinas, kanilang sinabi na diskarte na lamang talaga ang kanilang sandata upang maitawid ang pang-araw-araw na pamumuhay.
May ilan na hinahabaan na lamang ang oras sa pamamasada kahit pa nabawasan ang kanilang ikot, may mai-uwi lamang para sa kanilang pamilya.
Batay sa abiso ng mga kumpaniya ng langis, epektibo alas-6 kanina ang ₱0.75 centavos na dagdag sa kada litro ng diesel habang ₱1.40 naman ang umento sa kada litro ng gasolina.
Ang Shell, Petron, Caltex, at SeaOil naman, may dagdag na ₱1.05 na umento sa kada litro ng kanilang kerosene.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na malakihan ang taas-presyo sa produktong petrolyo. | ulat ni Jaymark Dagala