Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang inihaing Motion for Reconsideration ni suspended Bamban Mayor Alice Guo kaugnay sa reklamo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa umano’y pagkakasangkot ng alkalde sa iligal na operasyon ng POGO sa kanilang lugar.
Sa inilabas order ni Ombudsman Samuel Martires, nakasaad na wala itong nakitang sapat na rason para irekonsidera at alisin ang ipinataw na preventive suspension kay Guo.
Muli ring tinukoy ng Ombudsman na batay sa kanilang preliminary findings, may sapat na batayan at malakas ang ebidensya sa ngayon laban kay Guo, at sa co-respondents nitong sina Campo at Sigua.
Malinaw kasi umano ang business interest ni Guo sa Baofu na kita sa eletric bill na nakapangalan sa akalde.
Ipinunto naman ng Ombudsman na hindi parusa o penalty ang preventive suspension na ipinataw nila sa tatlo at sa halip ito ay isang preventive measure habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Layunin din umano ng preventive suspension na hindi magamit ng mga opisyal ang kanilang tungkulin para maimpluwensyahan ang mga testigo o mapakialaman ang mga dokumento na mahalaga sa kaso. | ulat ni Merry Ann Bastasa