Binigyang halaga ng House leaders ang papel na ginagampanan ng mga magsasaka para makamit ang rice self-sufficiency.
Kaya siniguro mismo ni Speaker Martin Romualdez na sa kabila ng pagpapababa sa taripa na ipinapataw sa imported na bigas ay hindi maaapektuhan ang suportang ipinagkakaloob sa sa kanila sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
“Napakaimportante for farmers to get all the support and the subsidies that we could provide para makahabol din tayo na maging rice self-sufficient. We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” sabi ni Romualdez.
Katunayan batay sa datos ng Bureau of Customs, umabot na sa P22 billion ang nakolektang taripa sa unang limang buwan ng 2024.
P10 billion ang inilalaang halaga para sa RCEF.
“Currently, there are P22 billion as stated by the [BOC]. At paalala po, June pa lang po ngayon, may taripa pa rin po, so may 15 percent tariff. Ibig sabihin, tataas pa rin ang collection for this year, so hindi po mapapabayaan ang ating mga farmers,” saad ni House committee on Agriculture Chair Mark Enverga.
Ibinida naman ni House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co na tuloy-tuloy din ang infrastructure projects para sa mga magsasaka gaya na lang ng para sa irigasyon.
Halimbawa nito ang solar fertigation systems na gumagamit ng enerhiya mula sa araw para sa pagpapatakbo ng patubig na mayroon nang kasamang fertilizer.
Inaasahan na sa paggamit nito ay madaragdagan ng 80% ang produksyon ng mga magsasaka.
“‘Pag na-fertigate po natin lahat ng irrigated lands, lalagyan natin ng solar fertigation, that’s an additional of 80 percent production which is at no cost to the farmers. Libre po ang sa kanilang kuryente, libre po ang supply ng tubig,” ani Co.
Maliban dito nakalinya na rin ang mga proyekto para sa pagpapatayo ng dam at flood control measures na kung maisasakatuparan ay magreresulta sa kakayanan ng bansa na mag-export na ng bigas.
“We will have it in two years, and the construction ng mga dam and ‘yung alignment po ng convergence, which is around P350 billion of flood control projects. ‘Pag nagawa natin within two years, we will be exporting rice na po. Tayo naman po ang magprepresyo ng mahal sa ating mga neighboring countries.” sabi ni Co. | ulat ni Kathleen Forbes