Itinutulak ngayon ng Philippine Coconut Authority ang dagdag na pondo para sa fertilization program sa coconut industry.
Sa selebrasyon ng ika-51 anibersaryo ng PCA, sinabi ni PCA Admin Dexter Buted na nais nilang maiangat sa 15% ang pondong inilalaan sa fertilization mula sa kasalukuyang 1% lamang.
Katumbas ito ng P2.4 bilyong pondo na makatutulong aniya para tumaas ang lokal na produksyon ng niyog at gayundin ang mga produktong mae-export ng bansa.
Oras na maisakatuparan ito, posibleng tumaas aniya sa 15% ang ani ng coconut industry sa loob lang ng isang taon.
Bukod dito, patuloy din ang ikinakasang pagtatanim ng PCA alinsunod sa 100 milyong puno ng niyog na target bago matapos ang Marcos admin.
Mula nang ilunsad ito noong 2023, nasa dalawang milyong puno na niyog ang naitanim ng PCA na target pang dagdagan ng 8.4 milyon para sa taong ito.
Tuloy-tuloy din ang pagpapatupad ng PCA sa Coconut Farmers and Industry Development (CFID) na layong tugunan ang pangunahing suliranin ng industriya, kabilang ang mababang ani, kakulangan sa post-harvest facilities at limitadong access sa merkado. | ulat ni Merry Ann Bastasa