Nagsagawa ng malawakang tree-growing activity sa buong bansa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasabay ng pagdiriwang ng Arbor Day ngayong Martes, Hunyo 25.
Ayon sa DENR,sinimulan ang tree-growing activity sa limang munisipalidad at lungsod sa lalawigan ng Rizal.
Ang probinsya ng Rizal ay isa sa pilot sites ng Project TRANSFORM o Transdisciplinary Approach for Resilient and Sustainable Communities.
Sakop ng Rizal sites ang kabuuang 13 ektarya ng protected areas sa Kaliwa River Forest Reserve, Upper Marikina River Basin at Marikina River Watershed.
Aabot sa 1,543 katao mula sa LGUs, private corporations, non-government outfits, youth groups at DENR offices ang nakilahok sa tree-planting activity, na siyang ambag ng bansa sa pagsisikap na maagapan ang global warming at ang climate change.
Umabot din sa 6,600 seedlings ng hardwood species at fruit-bearing trees ang ginamit sa pagtatanim.
Ang paggunita ng Arbor Day tuwing Hunyo 25 ay ayon sa Presidential Proclamation 396 ng 2003.Inoobliga din ng Republic Act 10176 ang mga Pilipinong may edad 12 pataas na magtanim ng isang puno, o higit pa, kada taon. | ulat ni Rey Ferrer