Aminado si Defense Secretary Gilberto Teodoro na nag-aalangan siyang tawaging Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang operasyon ng mga na-raid na illegal cyber hubs sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.
Sa pagdinig sa Senado, pinaliwanag ni Teodoro na hindi naman talaga POGO ang ginagawa sa mga compound na sinalakay ng mga otoridad.
Aniya, ang POGO ay business process outsourcing lang at hindi dapat tumatanggap ng mga taya.
Gayunpaman, nang tuluyang i-ban ang sugal sa China ay inilipat nila ang kanilang mga operasyon dito sa ating bansa at dito na nagsimulang magsanga-sanga sa iba’t ibang mga aktibidad.
Para kay Teodoro, maituturing na cybercrime hubs itong mga na-raid na mga compound sa Porac at Bamban.
Ito lalo’t natuklasan na pugad ang mga ito ng iba’t ibang love scams at iba pang mga ilegal na aktibidad gaya ng human trafficking.
Sa ngayon, tiniyak ng kalihim na nagtutulungan na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para matukoy talaga ang mga aktibidad at operasyon na kinasasangkutan ng dalawang malalaking POGO hub na ito. | ulat Nimfa Asuncion