Dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs si Seaman First Class Underwater Operator Jeffry Facundo o ang sundalong naputulan ng daliri sa pinakahuling insidente ng panghaharang at harassment ng China Coast Guard sa mga sundalo ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Dito ay ipinahayag ni Facundo ang kanyang paninindigan na intentional o sinadya ng pwersa ng China ang pangyayari.
Para kay Facundo, sinadya ng China ang pagbangga at pagbutas sa kanilang rigid hull inflatable boat para mapigil ang rotation at resupply mission ng tropa ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre na naka-istasyon sa Ayungin Shoal.
Sa naturang pagdinig, ibinahagi ni Facundo ang naranasan nilang harassment mula sa China Coast Guard na nagresulta sa pagkakaputol ng kanyang daliri.
Sa salaysay nito, bandang alas-6:00 ng umaga ng June 17 nang makarating sila sa BRP Sierra Madre para sa RoRe mission.
Pero ilang minuto pa lang ay dumating na ang walong rib boat o Inflatable boat ng China Coast Guard sakay ang tig-sampung armadong tauhan ng CCG.
Armado rin aniya ang mga ito ng mga palakol o improvised spear o sibat.
Nang binangga aniya ang kanilang rib boat ay umatras para bumuwelo ang sasakyang pandagat ng China para banggain silang muli.
Dito na siya nadaganan ng unang bahagi ng sasakyan ng China Coast Guard kaya siya naipit at naputol ang kanyang isang daliri.
Samantala, nagsagawa ng executive session ang Senate panel para ituloy ang pagtalakay sa nangyari sa Ayungin Shoal. | ulat ni Nimfa Asuncion