Inaprubahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang 28 panukalang batas na bibigyang prayoridad para maipasa sa 19th Congress o hanggang June 2025.
Kabilang sa mga prayoridad na ito ay ang pitong panukalang batas na inihain ng economic team, na kinabibilangan ng mga pag-amyenda sa Right-of-Way Act, Excise Tax on Single-Use Plastics, Rationalization of the Mining Fiscal Regime, Amendments to the EPIRA, CREATE MORE Act, pagtatag ng Department of Water Resources, at VAT on Digital Services.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, mahalaga ang maagang pagpasa ng mga panukalang batas upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa at masiguro ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Hinimok ng kalihim na mas paigtingin ang kooperasyon sa pagitan ng Ehekutibo at Lehislatura upang mabuo ang consesus versions ng mga prayoridad na panukala.
Nagpasalamat naman ang NEDA ang Senado at Kamara sa kanilang pangako na pabilisin ang pagpasa ng mga nasabing panukalang batas.
Ani Secretary Balisacan, ito ay kumakatawan sa mga pagsisikap na tiyakin ang maunlad na kinabukasan para sa lahat ng Pilipino.| ulat ni Diane Lear