Pormal na inimbitahan ng House Committee on Human Rights na dumalo sa kanilang susunod na pagdinig sina dating Pang. Rodrigo Duterte at Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite ukol sa umano’y pagkakaroon ng extra judicial killings sa drug war ng nakaraang administrasyon, nagmosyon si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na ipatawag ang dating pangulo at si Sen. Dela Rosa upang mabigyang linaw din nila ang ibinabatong alegasyon na may EJK sa ipinatupad na anti-illegal drug war.
Sa paniwala kasi ng Rise Up for Life and for Rights lawyer Atty. Kristina Conti, mayroong pananagutan ang mga dating opisyal ng dating administrasyon sa naganap na serye ng ‘tokhang.’
Handa rin naman humarap ang mga sinasabing EJK victims upang personal na ilahad ang kanilang mga testimonya at saloobin sa dating Pangulong.
“So in the fourth hearing, I’ll be inviting Senator Bato dela Rosa and former President to come and listen to your testimony, kung handa kayo to face him on that…So comsec (committee secretary), we’re going to invite Senator Bato now and the former President for the next hearing. Can I hear a motion to that please?” sabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante, chair ng komite.
“Mr. Chair, a motion to invite the former President Rodrigo Duterte and of course Senator Bato Dela Rosa para po sa pagsagot dito sa mga issues na inahapag ng mga EJK victims and their families.” mosyon ni Brosas
“There is a motion to invite the former President in the next hearing after tomorrow and Senator Bato Dela Rosa… And there is a second. So if there’s no objection. No objection, same as approved.” tugon ni Abante
Matapos naman nito ay muling nag-mosyon si Brosas para naman paharapin din si dating Sen. Leila de Lima.
Sabi ni Brosas, isa rin si De Lima sa mga biktima ng drug war ng dating administrasyon na maaaring makapagbigay ng dagdag na testimoniya.
“Mr. Chair, since mga victims yung nandito, baka meron pang isa, for example, si dating Senator Leila de Lima para maging resource person din natin kaugnay sa war on drugs since she is one of the, matindi din yung kanyang hinarap nung nakaraan, siguro if the body will approve,” hirit ni Brosas.| ulat ni Kathleen Forbes