Mas pinaigting ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagsasaayos at pagpapatibay ng kanilang mga pasilidad ng kuryente bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan at mga posibleng bagyo.
Kabilang sa mga isinagawang paghahanda ay ang pag inspeksyon at load-splitting operation sa Hidalgo Street sa Pasay City, kung saan pinalitan ang mga sira-sirang kable at isinaayos ang mga nakalundo upang maiwasan ang iligal na koneksyon.
Ayon kay Meralco First Vice President and Head of Networks Froilan J. Savet, kasabay ng pagsisimula ng tag-ulan, tuluy-tuloy ang kanilang mga crew sa pagtatrabaho 24/7 para lalo pang patatagin ang distribution system laban sa banta ng mga bagyo, at bilang pakikiisa sa pagsusulong ng pampublikong kaligtasan.
Bukod sa regular na maintenance, aktibo rin ang Meralco sa pamumuhunan upang mapalakas ang kanilang mga pasilidad at patuloy na mapabuti ang serbisyo para sa kanilang mga customer. | ulat ni Diane Lear