Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pananatili nitong bukas na repasuhin at baguhin ang ilan sa mga panuntunan sa Executive Order no. 62.
Ito’y may kaugnayan sa pagpapataw ng bawas-taripa sa mga inaangkat na bigas sa bansa na layuning pababain ang presyo nito sa mga pamilihan.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, nakasaad naman sa naturang EO ang pagpapatupad ng periodic review dito anumang oras depende sa itinatakbo ng sitwasyon.
Binigyang-diin ng kalihim na ang pagrepaso ay bahagi na rin ng hakbang ng pamahalaan na mapangalagaan ang purchasing power ng mga Pilipino at tiyaking magtutuloy-tuloy ang pagdating ng suplay.
Nabatid na sa ilalim ng EO, inaasahang bababa ang presyo ng mga inaangkat na bigas mula ₱6 hanggang ₱7 sa kada kilo sa mga susunod na buwan. | ulat ni Jaymark Dagala