Nais ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino na mas magkaroon ng access ang mga Filipino migrant workers sa Mental Health Program.
Ito ang tinuran ng mambabatas matapos bisitahin at kumustahin ang mga OFW na nagtatrabaho sa Singapore at Taiwan.
Ayon kay Magsino, bagamat masaya naman sa pagtatrabaho ang mga OFW, marami ang nahaharap din sa mental health problems.
Gayunman, limitado o walang suporta ang host countries para sa access sa Mental Health Program.
May ilan din aniya na natatakot magpatingin dahil baka mawalan sila ng trabaho.
“Ang iba sa ating mga OFWs ay may takot din na sila ay tanggalin sa trabaho ng kanilang mga amo, dahil dito ay umiiwas silang magpatingin ng karamdaman, kung mayron man silang mapupuntahang pagamutan at may kakayahan silang magpatingin. Ngunit sa karamihan, may kakulangan ng komprehensibong programa at mga tauhan ng ating mga embahada at konsulado na may sapat na kaalaman sa mental health, upang ang ating mga OFWs ay mabigyan ng akmang tugon sa kanilang kalagayan,” sabi ni Magsino.
Dahil dito nais palakasin ng lady solon ang inter-agency system para sa repatriation ng mga psychologically distressed OFW.
Kailangan din aniya maisama sa bilateral labor agreements sa mga host country ang pagkakaroon ng mas madaling access sa on-site mental facilities at services.
Maging ang mga naiwang pamilya ng mga OFW dapat ay magkaroon din aniya ng access sa counselling.
Tinatayang may 151,000 na OFW sa Taiwan habang nasa 215,000 ang sa Singapore. | ulat ni Kathleen Jean Forbes