Nagisa ng mga miyembro ng House Committee on Appropriations si dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III dahil sa pagbili ng near expiry na mga COVID-19 test kits noong kasagsagan ng pandemya.
Maliban dito, napuna rin ng komite na mas mahal pa ang bentahan ng mga test kit na ito dito sa Pilipinas kaysa sa ibang bansa.
Ito ay batay na rin sa report ng Commission on Audit (COA) kung saan nakasaad na hinayaan ng DOH sa pamamagitan ng PS-DBM na maideliver ang mga pa-expire nang commodities kasama ang test kit.
“Bakit napakamahal sa Pilipinas? You don’t use the pandemic as a reason to do corruption. And you don’t use the pandemic as a reason to abuse the government, borrow money, and let the Filipino people pay. Kung expiring ang ide-deliver paano na magagamit ng tao?” tanong ni Appropriations Committee Vice-Chair Janette Garin.
Tugon naman ni Duque polisiya naman talaga ng DOH na hindi tumanggap ng malapit nang mag-expire na produkto ngunit pinahintulutan ito sa test kits dahil sa “extraordinary circumstance” noong pandemya.
Dahil bago pa lang ito ay hindi rin aniya malinaw na matukoy ng mismong manufacturer kung gaano katagal talaga ng shelf-life ng produkto.
“If I recall, there was some test kits na kasi bago, ang kanilang expiry six months. But because nage-evolve yung pandemic, yung mga test kits ganon din. Hindi nila masabi kung yung mga test kits na ito ay kaya one year or one and a half year kasi nga bago. Wala pang studies, wala pang historical data to show that that test kit can actually be extended yung kaniyang shelf life,” depensa ni Duque.
Hindi naman na matandaan ni Duque kung nagsampa ng kaso ang DOH sa manufacturer ng naturang test kit ngunit nagpadala aniya sila ng warning o notice dito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes