Inaasahang matatapos ngayong taon ang Phase 2 at 3 ng National Fiber Backbone na kokonekta sa Metro Manila at Southern Luzon.
Pahayag ito ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Usec. Jeffrey Dy, makaraang aprubahan sa National Economic and Development Authority (NEDA) Board meeting kahapon (June 26) ang 288-M US dollar loan na Philippine Digital Infrastructure Project (PDIP) na layong palakasin ang internet connectivity sa buong bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na sa tulong ng loan na ito, maisasakatuparan na ang submarine cables na tatawid sa Visayas at kokonekta sa Mindanao.
Sa ilalim rin ng programa, gugulong rin ang pagtatayo ng 772 free Wi-Fi sites sa buong bansa, na karamihan ay ilalagay sa Mindanao, na siyang makakatulong sa pagpapalago ng ekonomiya sa rehiyon at sa buong bansa.
“The reason why we’re targeting regions in Mindanao is because even though the entire country has an internet penetration rate of 73.6%, approximately 86 million Filipinos have access to internet – this disparity is larger in Mindanao where in some regions especially Region XIII, the internet penetration rate is lower than 17%. So, that’s really the target of this development fund. It’s a development program.” -Usec Dy.
Ayon sa opisyal, sa pamamagitan ng proyektong ito, kumpiyansa ang pamahalan na sa taong 2028, maku-kompleto na ang kabuuan ng national fiber backbone, na una nang pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Abril. | ulat ni Racquel Bayan