Nagpakita ng suporta ang 33 Chinese-Filipino business and civic organizations sa diplomatikong diskarte ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ongoing dispute sa West Philippine Sea.
Ito’y sa gitna ng lumalalang alitan sa maritime sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa pangunguna ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) umapela sila para sa de-escalation ng tensyon sa West Philippine Sea .
Pakiusap nila sa pamahalaan ng Pilipinas at China na isaalang-alang ang mga landas na mangangalaga sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng parehong mga bansa at mga mamamayan nito.
Ang panawagan para sa de-escalation ay kasunod ng serye ng mga insidente sa pinag-aagawang karagatan, kabilang ang pinakahuling insidente na may naputulang daliri nang bumangga ang Chinese boat sa sasakyan ng Pilipinas sa isang resupply mission.
Iminungkahi rin nila ang pagtatatag ng isang neutral, at diplomatikong lugar para sa mga talakayan na nababatid ng paggalang sa isa’t isa.
Nagbabala si FFCCCII President Cecilio Pedro na maapektuhan ng tumataas na tensyon ang mga kasalukuyang negosyo pati na rin sa mga potensyal na mamumuhunan sa Pilipinas. | ulat ni Rey Ferrer