Tinuligsa ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya ang panawagan ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) para sa demilitarisasyon ng West Philippine Sea bilang kontra sa pambansang interes.
Sa isang pahayag, sinabi ni Malaya na ang naturang panawagan ay papabor as China, dahil sila ang magsasamantala kung aalisin ang mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbabantay sa mga okupadong teritoryo ng Pilipinas sa karagatan.
Giit ni Malaya, ginagawa lang ng AFP ang kanilang mandato na bantayan ang teritoryo at pangalagaan ang kaligtasan ng mga Pilipinong mandaragat, alinsunod sa international law, kaya walang dahilan na “mag-pull out” ang mga tropa.
Dagdag ni Malaya, walang basehan ang panawagan ng Bayan na umalis sa WPS ang Estados Unidos dahil walang naka-deploy na tropang Amerikano sa alinmang isla sa WPS, at ang pagdaan ng kanilang mga barkong pandigma ay alinsunod sa “freedom of Navigation” sa ilalim ng International Law.
Payo ni Malaya sa Bayan, na ipanawagan nalang sa China na sila ang umalis sa West Philippine Sea dahil sila ang pangunahing responsable sa militarisasyon ng karagatan sa pagtatayo ng mga artipisyal na isla at base militar sa lugar. | ulat ni Leo Sarne