Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mas mahigpit na proteksyon at mas pinaigting na pagbabantay sa kalagayan ng mga overseas Filipino worker (OFW) na ipadadala sa Kuwait.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac na magluluwag ang Kuwait sa pag-isyu ng entry at work visa sa mga Pilipino.
Ito ay magbubukas ng daan para sa muling pagpapadala ng mga propesyonal, skilled, at semi-skilled na manggagawang Pilipino sa Kuwait.
Papayagan na rin magpadala ng mga domestic worker basta’t mayroon silang karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Secretary Cacdac, ang pagpapadala ng OFW sa Kuwait ay magiging epektibo kapag natapos ang pagpapalabas ng policy guidelines para sa mas mahigpit na proteksyon ng mga OFW.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapatupad ng sistema para sa Blacklist at Whitelist ng mga Recruitment Agencies at employer, pagbibigay ng sahod sa mga OFW sa pamamagitan ng electronic payment, at ang pagtatalaga ng mga welfare officer upang tumulong sa mga OFW sa proseso ng kanilang labor migration.
Matatandaang nagpagtupad ng ban ang gobyerno ng Kuwait sa pagpapadala ng domestic at skilled workers noong May 2023 dahil sa pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara. | ulat ni Diane Lear