Mas maraming Pilipino na may renal o kidney disease ang maisasalba ang buhay sa pagtatayo ng bagong Hemodialysis Legacy Building sa National Kidney and Transplant Institute
Sa ginanap na groundbreaking ceremony ng gusali na pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez, sinabi niya na isa itong patunay na patuloy ang misyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng de-kalidad na serbisyo ang bawat Pilipino sa larangan ng kalusugan at medisina.
Ang labintatlong palapag na Mega Hemodialysis Legacy Building ang pinakalamalaking hemodialysis facility sa buong Pilipinas dahil sa magkakaroon ito ng 200 state of the art hemodialysis machine.
Sabi pa ng House Speaker na ang bawat makina na ito ay katumbas ng buhay na maaring masagip, pamilyang magkakaroon ng pag-asa, at mga pangarap na maari pang matupad.
“Today, we are not just building an edifice. We are laying the foundation for hope, modern healthcare, and better quality of life for millions of Filipinos suffering from kidney ailments,” ani Romualdez.
Ang DPWH ang mangunguna sa pagpapatayo ng Hemodialysis Building.
Ayon kay Appropriations Chair Elizaldy Co, may kabuuang pondo ang proyekto na P4.5 billion at inaasahang matatapos ang konstruksyon sa 2026 bago maging operational sa 2027.
Malaking bagay ani Co ang hemodialysis facility na ito lalo at batay sa datos ng NKTI, isang Pilipino ang dumaranas ng renal failure kada oras.
Kaya ang kidney disease na ang ika-pitong pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.
“Katunayan kapag People’s Day ng Ako Bicol Party-list tuwing Lunes sa North Gate ng Batasang Pambansa, mahigit kalahati o 65 percent sa mga humihingi ng medical assistance ang may sakit sa bato o nangangailangan ng pang-dialysis.”| ulat ni Kathleen Forbes