Itinuturing ng 17 na bayan sa Region 1 bilang malaking pag-asa ang mga tulong na ipinagkakaloob ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) program ng Department of Agriculture (DA).
Ipinagmalaki ito ni Ms. Lorena Olveña, SAAD Focal Person ng DA-Regional Field Office 1 sa radio program na #UsapangAgrikultura ngayong Hunyo 26, 2024.
Inihayag niyang mula 2023 ay idinaraos ang SAAD Program sa 17 na 5th Class Municipalities sa Rehiyon Uno.
Kabilang dito ang isang bayan sa Pangasinan partikular ang Sto. Tomas; tatlo sa La Union na kinabibilangan ng Bagulin, Burgos at Pugo; siyam sa Ilocos Sur na kinabibilangan ng Sugpon, Gregorio del Pilar, Sigay, Lidlida, Nagbukel, Santa Catalina, San Esteban, San Ildefonso at San Vicente habang apat sa Ilocos Norte partikular ang Dumalneg, Carasi, Adams at Burgos.
Ipinaliwanag ni Olveña na layunin ng SAAD Program na paramihin ang produksiyon ng pagkain para sa “household consumption” at makabuo ng community-based enterprise ang mga Farmer Cooperative and Association (FCA) Beneficiaries.
Nakatakdang tulungan ng DA ang mga benepisyaryo sa loob ng tatlong taon hanggang sa tuluyan nilang mapaunlad ang kanilang community-based enterprise.| ulat ni Glenda B. Sarac| RP1 Agoo