Tiniyak ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang kanilang kahandaan sa pagpasok ng panahon ng La Niña.
Sa pulong-balitaan sa San Juan City, sinabi ni NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza na nakipagpulong at nakapagsagawa na rin sila ng tinatawag na “blackout drills.”
Layon nito na makita kung gaano kabilis ang paglalabas nila ng impormasyon at gagawing aksyon sakaling may pasilidad sila na maapektuhan ng malakas na pag-ulan.
Paliwanag ni Alabanza, kanila na ring inalerto ang mga line personnel ng NGCP at pinapwesto na rin nila ang kanilang mga gamit o equipment.
Dagdag pa nya, taunan naman nilang ginagawa ang paghahanda sa apekto ng tag-ulan sa kanilang pasilidad kaya natulungan sila nito sa paghahanda sa La Niña. | ulat ni Jaymark Dagala