San Juan LGU, humingi ng paumanhin kasunod ng mga nag-viral na video sa nakalipas na Wattah-Wattah Festival

Facebook
Twitter
LinkedIn

Abot-abot ang paghingi ng paumanhin ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan sa mga nangyaring gulo sa nakalipas na Wattah-Wattah Festival noong Lunes na nag-viral pa sa social media.

Ipinakikita sa mga viral video ang animo’y kawalang respeto sa kapwa tao ng mga residente nito sa pagsasagawa ng tradisyonal na basaan na siyang tumatak na sa kanilang pagdiriwang ng pista.

Sa inilabas na pahayag ng San Juan City Tourism and Cultural Affairs Office, seryoso nilang tinutugunan ang lahat ng reklamo at patuloy ang pangangalap nila ng ebidensya hinggil dito.

Sinusuri na rin ang mga nakarating sa kanilang viral-video sa social media para alamin kung may naging paglabag ba ang mga ito sa City Ordinance no. 51 series of 2018 at iba pang umiiral na batas.

Makikita kasi sa mga kumakalat na video ang walang habas na pagsaboy at pagbuhos ng tubig ng mga San Juaneño sa mga dumaraang motorista gayundin sa mga pasaherong nakasakay sa pampublikong sasakyan na hindi naman nakikiisa sa pagdiriwang.

Kasunod nito, dumipensa ang San Juan LGU sa obserbasyon na maraming mga truck ng bumbero ang nakakalat sa iba’t ibang panig ng Lungsod sa kabila ng pahayag nito na tatlong firetruck lamang ang kanilang pinayagan para sa basaan.

Giit nila, tumalima naman sila sa mga naunang pahayag na tatlong firetruck lamang ang pinayagang lumahok sa basaan convoy at sa katunayan ay naglagay sila ng checkpoint sa mga lagusan ng lungsod para pigilan ang iba pang mga truck na nais makilahok.

Gayunman, ang mga nakitang trak ng bumbero sa iba pang panig ng lungsod ay mula sa fire volunteers na nag-abang at nagsaboy ng tubig pagdaan ng convoy ng parada.

Dahil dito, tiniyak ng Pamahalaang Lungsod na mananagot ang mga dapat managot sa sandaling mapatunayang lumabag nga sa mga umiiral na panuntunan at batas upang hindi na ito maulit sa mga susunod na pagdiriwang. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us